Tuesday, March 30, 2010

Bisita Iglesia

Bisita Iglesia na…
Handa ka naba?

Sa darating na Biyernes, huwag kalimutang dalhin ang mga sumusunod:

1. Pagmamahal sa Diyos. Ito ang dapat na uanng dahilan ng pagdalo. Nais mo pa ba siyang makilala ng lubos? Nais mo ba’ng ipadama sa Kanya’ng nakikibahagi ka sa pinagdaanan niyang kalbaryo? Nais mo ba’ng humingi ng kapatawaran sa mga kasalanan? Nais mo ba’ng hilingin sa Kanya’ng tulungan kang magpatawad? Nais mo bang maglingkod sa mga kasama mo’ng dadalo rin sa Bisita Iglesia? Lahat ng ito’y paraan at pagpapakita ng pagmamahal sa Kanya.

2. Pusong nagtitika. Ang buod ng Bisita Iglesia ay magiging ganap kung bubuksan natin an gating mga puso at magpapakumbaba sa Kanya. Hindi ba’t ito ang pangunahing dahilan ng pagbi-Bisita Iglesia? Ang makibahagi sa dinanas na paghihirap ng ating Panginoon at makatanggap ng indulhensiya sa ating mga kasalanan.

3. Kaluluwang Nananalangin at Nakikinig. Gawing isang mahabang pananalangin ang buong paglalakbay. Maglaan din ng panahon upang makinig sa mga mensahe Niya para sa iyo. At matutong bigyang pansin ang maliliit na bagay o pangyayari na maaring maganap sa araw na ito. Maaring kalakip ng pangyayaring iyon ang menshae ng Panginoon.

4. Asal na nababagay sa panahon. Ipaalala sa sarili kung ano ang sinalihang okasyon. Hindi na siguro kailangang may sumaway, may magpatahimik, may magpa-aalalang dapat iayon ang kinikilos sa hinihingi ng panahon. Ang lahat ay bibigyan ng pag-ooras. May oras para sa pagdarasal ng grupo, may panahon sa pansariling paglilimi-limi at may takdang oras para sa pagbalik sa kanya-kanyang sasakyan.

Inaasahan naming lahat ng makikiisa sa Bisita Iglesia ay dadalo ng dala-dala ang lahat ng ito…

No comments: